Category Archives: Tagalized Thoughts

Pagsusunog ng Kilay: Sineseryoso mo ba?

“Kung may tiyaga, may nilaga.”

Ang katagang ito ang nagsilbing pangunahing puhunan at inspirasyon ko bilang isang estudyanteng nangangarap makapagtapos ng pag-aaral. Magagarang kotse, naglalakihang bahay, asawa at mga anak…Ilan lang ang mga ito sa aking mga pangarap. Ito ang kusang nagtutulak sa akin ng pasulong para magtiyaga at magpunyagi. Naniniwala ako na para marating ang aking panagarap, may mga pagsasakripisyong dapat gawin, at mga bagay na dapat tapusin. Isa na rito ang aking edukasyon at pag-aaral.

Ano nga ba ang edukasyon? Sa aking sariling pananaw, ito ay ang bagay na magiging pinakahaligi ng aking mga pangarap. Kung wala ako nito, malaki ang posibilidad na mabuwal ang aking mga pangarap at masira ng ganoon na lamang, parang isang batong pader na walang suporta kaya naman bumagsak sa lupa at nagkawatak-watak. Ang edukasyon ay sinasabi rin na tanging bagay na maaaring maipamana ng mga magulang sa kanilang mga anak kaya naman dumagdag pa ito sa mga rason para mag-aral ng mabuti.

Bilang isang estudyante na nasa ika-apt at huling antas sa hayskul, naniniwala ako na kahit papaano ay malayo-layo na rin ang aking narrating at masyado nang huli para magwagayway ng putting bandera at sumuko. Ilang taon na lang at ako ay magtatapos na, makukuha ko na rin ang aking nilaga.

At dahil nga sa mga rasong aking binanggit, pinipilit kong alisin ang katamaran sa aking bokabularyo dahil hindi ito dapat pairalin lalung-lalo na sa mga oras na ito sapagkat ako ay malapit nang magkolehiyo. Totoo ngang sineseryoso ko ang pagsusunog ng kilay na kaharap ang libro, hawak ang pluma, at pindot ang calculator. Ang mga kagamitang ito ang nagsisilbing mga sandata ko sa labang kinakaharap ko araw-araw. Isang tiyak na halimbawa na nagpapatunay sa pagiging seryoso ko sa pag-aaral ay ang patuloy kong paggawa ng mga sanaysay. Kung hindi ako seryoso sa aking pag-aaral, marahil tatamarin akong harapin ang papel at pindutin ang keyboard pagkatapos. Ngunit hindi, heto ka ngayon at binabasa ang bunga ng aking paghihirap.

Gustuhin ko man o hindi, kailangan ko talaga ang ibayong pagseseryoso sa pag-aaral dahil wala akong ibang sisisihin o pupurihin sa ikababagsak o ikakatagumpay ko kundi ang aking sarili. Nasa huli ang pagsisisi, iyan ang laging inilalagay ko sa aking isip. Dahil sa bandang huli, dalawang tao lamang ang tutulong sa iyo: siyempre ang sarili mo at ang Diyos.

Mapang-api o Inaapi: Saan ka mas Malimit Lumugar?

Kung nabasa mo na ang nobelang “El Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal, marahil nakaharap mo ang linyang “Walang mang-aapi kung walang magpapaapi.” Na binanggit ng pangunahing tauhan na si Simoun kay Basilio. Ang pamosong katagang ito ang nagmumulat sa mga taong inaapi na huwag patuloy na magpaapi.

Sa aking sariling opinyon ang tinatawag na pang-aapi ay nagagawa sa iba’t-ibang paraan. Maaari itong gawin nang pisikal tulad ng pananakit sa kapwa mo sa pamamagitan ng pagsuntok o kahit anupamang paraan na makakasakit para sa kanyang pisikal na pangangatawan. Ito rin ay nagagawa sa anyong emosyonal. Isang halimbawa nito ay ang pagdusta sa kanila, pang-aasar, o kahit anong kilos na makakapagpasama ng kanyang loob.

May mga pagkakataon na ang isang tao ay mapang-api dahil hindi ayos ang pakiramdam niya. Siguro bunga ito ng galit na nagtutulak sa kanyang ibuhos ito sa ibang tao. Pwede ring ito ay trip-trip lang dahil walang magawa. Pero kahit ano pa man ang sanhi nito, maaaring maging masama pa rin ang bunga nito. Ang isang tao naman na walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga nang-aapi sa kanya ay ang taong inaapi.

Ako? Siguro doon ako madalas lumugar sa mapang-api dahil handa kong ipaglaban ang isang bagay kung sa alam kong ito ay tama. Sinisigurado ko rin na ang aking pang-aapi ay nasa lugar at kung possible, hindi magbubunga ng sakit kahit kanino man. Hindi ako basta-basta nang-aapi kung hindi ako inaapi. Sa tingin ko, kaya ako nagiging mapang-api ay dahil lamang sa kagustuhan kong maipagtanggol ang aking sarili. Isa rin itong paraan para ipakita na ako ay palaban at hindi kaagad nasuko. Ginagamit ko rin ang pang-aapi para ipahayag ang aking opinion sa lahat.

Ngunit sa kabilang banda, ako rin ay inaapi. Iyon yung mga panahon kung saan bigla ko na lamang mararamdaman ang pagtulo ng luha sa aking mga mata at wala akong magawa para maipagtanggol ang aking sarili. Ito ay mdalas mangyari kapag ako ay pagod na at sawa na sa pagpapaliwanag ng aking punto. Madali rin akong apihin ng mga taong mas matanda sa akin dahil bihira akong lumaban sa kanila dahil kahit papano ay pilit pa rin akong nagpapakita ng respeto sa kanila. Hindi ko maitatatwa ang katotohanan na mahina ang loob ko pagdating sa ganitong mga bagay.

Sa kabuuan, ang pagiging taong inaapi o mapang-api ay hindi masama. Ang buhay ay talagang minsan nasa ibabaw at minsan, kailangan mo ring bumaba. Ang importante ay alam mong tama ang ginagawa mo at nasa lugar ang pinaninindigan mo.

Kailan Nagiging Masama ang Kaalaman

“Lahat ng sobra ay nakasasama.”

Hindi kailanman maituturing kasamaan ang bahagyang pagpunan ng kaalaman at impormasyon sa pagkauhaw ng isipan ng isang ordinaryong tao. Sa katunayan nga, ito’y mas lalo pang nagbibigay ng kulay at ningning sa isang payak na pamumuhay. Ngunit, katulad ng iba pang mga bagay, ito’y hindi laging makabubuti. Mayroon ding mga pagkakataon na ito’y maaaring magdulot at pagmulan ng kasamaan at kasawian.

Naalala ko ang masalimuot na istorya ng ating ninuno, sina Adan at Eba. Ang kwentong ito ay permanenteng nakatatak sa aking mumunting isipan at marahil, alam ring ganap nang sinumang nakahawak na nang Biblia. Ito ay kwento tungkol sa dalawang unang nilalang na nilikha ng Diyos. Sumuway sila sa utos mng Panginoon at dahil na nga rin sa pagkain nila ng ipinagbabawal na prutas ay nakamit nila ang karunungan na nakapagpahamak sa kanila.

Mayroon din akong alam na isang magandang buhay na sadyang napariwara dahil sa sobrang karunungan. Sa mga mata ng nakararami, tunay ngang nagtagumpay na sa kanyang buhay si Cris (hindi niya tunay na pangalan) matapos siyang abutan ng diploma sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Isa na nga siyang inhinyero ng mga kemikal (Chemical Engineer). Ngunit nang dahil sa sobrang kaalaman, dinala siya ng kanyang mga paa sa kapahamakan. Nakagawa siya ng ipinagbabawal na gamot at siya’y nabilanggo.

Ang kaalaman ng isang tao ay maaaring ihalintulad sa isang simpleng pugad ng ibon na nakabase sa pinakataas ng isang matayog at matipunong puno. Ang gutom na inakay ay pinapakain ng kanyang inang lawin nang sa gayon ay lumaking may tikas at naaayon sa kanya. Sa pagdaan ng mga araw, hindi maaaring magkulang ni sumobra siya ng pakain dahil may posibilidad na malagay sa peligro ang buhay ng batang ibon. Maaari siyang mamatay sa gutom o maimpatso sa sobrang pagkain.

Tayo ang sumisimbulo sa inakay na patuloy na nagugutom at nauuhaw sa kaalaman at karunungan. Katulad nila, hindi rin makabubuti sa atin ang malunod sa pagkain, ang sumisimbulo sa kaalaman, dahil ito’y makapagdudulot sa atin ng kasamaan at maaaring magdala sa atin sa kapahamakan.

Nagiging masama ang kaalaman kung ito’y gagamitin sa kasamaan, kung ito’y hindi pagyayamanin, o kung ito’y iyo lamang babalewalain. Binigyan ka ng Diyos ng kaalamang naiiba sa kahit sinuman. Ang tangi mong obligasyon ay gamitin ito sa kabutihan.

Sa paglipas ng panahon, nawa ang kaalaman ay magsisilbi nang kabutihan at hindi na kasamaan.

Ang Mapaghiganting si Simoun

Tama ba ang pagiging mabait palagi? Kabutihan nga ba ang palagiang paggawa ng tama? Alamin natin ang kasagutan.

Malamang kung si Simoun ka, kanina mo pa sinagot ang “Hindi”. Ito ay mapapatunayan sa balak niyang paghihiganti na ipinagtapat niya kay Basilio sa gubat ng mga Ibarra.

Malaki ang ginagampanang papel ni Simoun sa nobelang “El Filibusterismo”. Siya ay isang taong araw-araw nakakahawak ng mga bagay-bagay na ang halaga ay kaya nang tumbasan ang buhay ng isang tao. Isa siyang taong minsan nang kinalaro ng tadhana at ngayon ay handa nang gumanti gamit ang kanyang buong tapang.

Hindi maitatago ng kanyang malalaking salamin ang kalungkutan ng kanyang mga mata. Taglay niya ang isang mahabang buhok na kinulayan ng puti ng mga nagdaang panahon. Kabalintunaan nito ang kanyang balbas na may pagkaitim naman. Mayroon siyang kayumangging-kayumangging kulay.Nagsusuot siya ng isang malaki at mahabang sumbrero.Halata ang pagkamestiso niya. Ngunit ang totoo niyan ay siya’y walang iba kundi si Crisostomo Ibarra, isang taong matagal nang ipinagpalagay na patay. Ngayo’y nagbabalatkayo siya para sa kanyang balak na himagsikan.

Maganda ang pwesto niya sa lipunan. Anino lang naman siya ng Kanyang Kamahalan. Lubos siyang iginagalang ng mga mamamayan. Babahag ang buntot ng sinumang makakabangga niya.

Ipinagtapat niya nga kay Basilio ang kanyang balak at hinimok ang binata na makiisa sa kanya ngunit tumanggi si Basilio. Nag-usap pa sila ng matagal. Bumalik rin sa ala-ala ni Simoun ang labintatlong taong nakalipas.

Napakalayo ng buhay niya noon sa ngayon. Dati ay isa lamang siyang binata na puno ng pag-asa…na lahat ay naglaho sa isang iglap. Nakatamo siya ng maraming kasawian na nag-udyok sa kanyang maghiganti. Malakas ang loob niyang lumaban at magpatuloy dahil ang tagumpay niya ay di lang para sa kanya kundi para na rin sa mga taong malalapit sa kanya na naging biktima rin ng baluktot na hustisya at pamamaraan. Si Don Rafael na namatay sa bilangguan dahil sa pagbabayad sa kasalanang di naman niya ginawa. Ang sawimpalad na si Maria Clara na mas pinili na lang magmongha kaysa makasal sa hindi niya tunay na iniibig. Si Elias na kahit hindi niya kaanu-ano ay hindi nagdalawang isip na ialay ang sariling buhay para sa kaligtasan ng kanyang kaibigan.

Ngayon, masasabi bang kasamaan ang paglaban sa mga taong gumawa sa’yo ng kasamaan? Wala ba sa lugar ang pagtutuwid sa baluktot na pamamaraan ng simbahan at ng pamahalaan? Kasalanan bang gawin ang nararapat? Dapat bang ipagpasa-Diyos na lang ang bagay na ito at magpaumanhin na lamang? Hindi! Kalabisan na ito…ang pagbalewala sa mga bagay na ito ay isang simbolo ng di paggalang sa sarili mong katauhan. Ika nga “Ang pagpapaumanhin ay di laging kabaitan. Ito’y kasamaan kung mauuwi sa pang-aapi.”

Ako Makalipas ang Labinlimang Taon

Narating ko na nga ba ang lugar na tinatawag na “kaligayahan” matapos makamit ang lahat ng mga pangarap ko?

Ngayong ang kandila ng aking buhay ay lumuha na ng husto, kaakibat nito ang isang pagbabago na pilit gumawa ng malaking distansya ng pagkakaiba sa buhay ko noon. Ako’y pilit kumawala sa kadilimang bumabalot sa aking sarili at dahil sa kagustuhan ko, natagpuan ko ang ganap na kaliwanagan. Nalaman ko kung ano ang pinagkaiba ng katotohanan sa nagbabalatkayong kasinungalingan. Natuto akong bumangon sa bawat pagkadapang aking tinamo. Alam ko na kung ano ang ibig sabihin nito…tumanda na nga ako.

Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagsusumikap, nahanap ko na rin ang kasiyahang aking matagal nang inaasam. Noong una nga, ligaw na ligaw ako. Hindi ko alam ang dapat kong gawin para mahanap ito. Ngunit naging mabuti ang tadhana. Nakilala ko siya.

Bumuo kami ng isang pamilya. Pinagkalooban rin kami ng tatlong anak. Namuhay kami bilang isang simpleng pamilya. Wala kaming kahit anumang maipagmamalaki maliban na lamang sa pagmamahalang inuukol namin sa isa’t isa. Ngunit lahat ng bagay sa mundong ito ay hindi permanente.

Nagsimulang magbago ang lahat sa isang mahalagang desisyong aking binitawan. Ginawa ko kung ano ang sa tingin ko ay tama. At dahil dito, narating ko ang tugatog ng tagumpay. Ngayon…sino ang makakapaniwala na ang iyaking bata noon ay isa nang matagumpay na alkalde ngayon?

Oo. Tama ang narinig mo. Ito na ang buhay ko ngayon. Ako ang kasalukuyang alkalde sa bayan ng Kawit. Araw-araw kong kinakalaban ang kasamaan nang sa gayon ay maghari ang kabutihan. Ako ang nagsisilbing sandigan ng mga natatakot, karamay ng mga inaapi, takbuhan ng nangangailangan, at tapat na kaibigan ng lahat ng mamamayan.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ako ngayon sa isang mataas na kawani para sa pagpapatayo ng kauna-unahang “Disney Land” sa Pilipinas na itatayo sa makasaysayang bayan ng Kawit. Nagpatayo rin ako ng isang sistema ng irigasyon na pinangalanang “Kawit Dam”. Ito ay nagbibigay ng tubig di lamang sa bayan ng Kawit kundi pati na rin sa mga karatig lugar nito. Maipagmamalaki ko rin ang kabubukas pa lamang na “Teatro sa Kawit” na pinagtatanghalan ng mga prestihiyosong artista. Isa rin ang “Kawit Zoo” na kamakailan lang ay hinirang na pinakamalaking zoo sa Asya. Nakapagbigay rin ako ng libo-libong tahanan para sa mga kapwa ko Kawitenyo. Ginawa ko ring museo ang dating kulungan sa Kawit dahil hindi na ito kailangang gamitin sapagkat wala nang mga kaguluhang nagaganap. Bukod dito, dalawang beses din akong tinanghal na “Alkalde ng Taon” dahil sa mga pagbabagong aking ginawa.

Ako si Rob Nuguid, isang ordinaryong tao na gumagawa ng kanyang obligasyon bilang isang mamamayan ng lugar na ito. Ako si Daddy Rob, isang amang nagsusumikap na maging mabuting ehemplo sa kanyang mga anak. Ako si Pareng Rob, isang tunay na kaibigan na handang umintindi sa oras na wala nang gustong makinig sa iyo. Ako si Mayor Rob, isang alkalde na handang ibuwis ang kanyang sariling buhay alang-alang sa kabutihan ng kanyang nasasakupan. Ako si Rob Nuguid na makalipas ang labinlimang taon ay nanatiling mapagkumbaba. Ako pa rin si Rob Nuguid na iyong nakilala makaraan ang maraming taon.

Ano nga kaya ang susunod na kabanata sa aking buhay? Hindi ko alam. Ngunit handa ko iyong harapin ng buong tapang at kalakasan dahil alam kong kasama ko Siya.

Sa mga salita kong ito nagtapos ang Ikalabinlimang Anibersaryo ng Batch 2007-2008 ng SMMS.

Kahirapan

Kailan magwawakas ang kahirapan na ating dinaranas? Ito’y may iba’t-ibang kasagutan.

Unahin natin ang trabaho. Kahit itanggi man natin o hindi, kulang na kulang ang oportunidad sa ating bansa. Napakahirap maghanap ng trabaho kahit may natapos ka. Ang ilan nga sa mga gradweyt ng kolehiyo ay napipilitang maging “factory workers” matawid lang sa gutom ang sarili. Karamihan rin sa mga may-ari ng mga kompanya ay mga dayuhan kaya di maiiwasan ang diskriminasyon sa ating lahi. Kapag hindi ka nakatapos ng pag-aaral, napakaliit ng tsansa mong makapasok sa trabaho. Kung papalarin ka namang makapasok sa isang korporasyon, isa pa sa mga magiging problema mo ay ang mababang pasahod. Minsan nga, mababa pa sa “minimum wage” na tinakda ng gobyerno ang ipinasusweldo. Kaawa-awa ang mga trabahador na hindi magawang magreklamo sa takot na mawalan ng trabaho. Ito ay ang nagbunsod sa mga Pilipinong propesyunal na magtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa ulat, karamihan sa mga OFW ay mga gradweyt ng kolehiyo ngunit pinili na lamang maging katulong sa ibang bansa dahil sa laki ng sahod doon.

Dumako naman tayo sa populasyon. Noong mga nakalipas na mga taon at sa kasalukkuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga may pinakamalaking populasyon sa buong mundo. Ito marahil ang nag-udyok na bigyang halaga ang pagpaplano sa pamilya. Maraming makabagong kagamitan ang naimbento para mapigilan ang pagtaas pa ng populasyon na mariin namang tinutulan ng simbahan. Ayon sa kanila, ang paggamit raw ng mga “contraceptives” ay paraan din ng pagpatay sa bata. Ngunit hindi ba’t mas mabuting gumamit ng makabagong teknolohiya kaysa naman mamatay ang munting supling sa sobrang kahirapan? Dahil nga sa patuloy na pagtaas ng populasyon, naging problema rin ng ating bansa ang pabahay. Ayon sa isang komersyal sa telebisyon, libo-libong pamilya na raw ang binigyan ng bahay ng pamahalaan. Napakakonti pa lang nito kung iisiping milyon– at hindi lang libo– ang dami ng pamilya sa bansa.

Talakayin na rin natin ang edukasyon. Sinasabing ito’y ang susi sa tagumpay. Ngunit sa taas ng matrikula, may pag-asa pa kayang marating ng mahirap nating kababayan ang sinasabing tagumpay? Isa pang suliranin ay ang kakulangan sa guro. Mayroong napa-ulat na isang guro umano ang di marunong awitin ang “Lupang Hinirang” na kinakailangang malaman ng isang Pilipino. Paano nila magagawang turuan ng maayos ang kabataan kung ang kanila ngang sarili ay di nila maturuan? Malaki ring suliranin ang kakulangan sa kagamitan lalung-lalo na sa mga pampublikong paaralan. Kulang sa mga silid-aralan ang mga ito. Kung minsan pa nga, nakatayo na ang karamihan sa mga estudyante dahil kulang ang silya. Problema rin ang mga libro na hindi lahat ng mag-aaral ay mayroon. Dagdag rin sa suliranin ang mababamg kalidad ng edukasyon sa bansa. Ito ay dahil sa KAHIRAPAN.

Ilan lamang ang mga ito sa kasalukuyang suliranin na ating hinaharap. Marami pang iba ang dapat bigyang pansin. Makababangon pa ba tayo sa kahirapan? Tanging Diyos lang ang nakakaalam.

Rizal sa Dapitan (Pagsusuring Pelikula/Movie Critic)

I. Pamagat

Rizal sa Dapitan ni Amable Aguiluz

II. Mga Tauhan

Albert Martinez bilang Jose Rizal

- ang pangunahing tauhan na nakulong sa Dapitan dahil sa paglaban sa relihiyon at gobyernong Kastila

Amanda Page bilang Josephine Bracken

- ang napangasawa ni Rizal

Roy Alvarez bilang Capt. Carnicero

- ang naatasang magbantay kay Rizal habang siya’y nasa Dapitan

Cris Michelena bilang Father Obach

- paring kaibigan ni Rizal na nabigo sa pagpapabalik loob kay Rizal

Candy Pangilinan bilang Maria

- kapatid ni Rizal na nagpaalam ng pagtataksil ni Bracken

Tess Dumpit bilang Narcisa

- isa pang babaeng kapatid ni Rizal

Rustica Carpio bilang Doña Teodora Alonzo

- ina ni Rizal

III. Buod

Ang pelikulang “Rizal Sa Dapitan” ay tungkol sa buhay ni Jose Rizal (Albert Martinez) habang siya ay nasa loob ng Dapitan.

Matandaang siya ay nakulong dahil sa paglaban niya sa mga prayle at gobyernong Kastila na naging dahilan ng kanyang pagkakatapon sa Dapitan. Sa mga unang araw ng pamamalagi niya roon, pinilit siyang magbalik–loob sa Diyos ng isang paring kaibigan niya na si Fr. Obach (Chris Michelena). Ngunit naging matibay ang kanyang paninindigan na naging dahilan ng paglisan ng kura.

Ginawang makabuluhan ni Rizal ang kanyang pamamalagi sa loob ng piitan kung saan hindi lamang siya naging isang ordinaryong bilanggo dahil siya rin ay naging isang manggagamot, maestro, at tagapamahala isang kanyang bukirin.

Dumating rin ang kanyang ina na si Doña Teodora Alonzo (Rustica Carpio) at mga kapatid na sina Maria (Candy Pangilinan) at Narcisa (Tess Dumpit).

Nakilala niya si Josephine Bracken (Amanda Page), ang kanyang mapapangasawa, noong nagsadya ang ama nito kay Rizal upang magpagamot. Nagpaalam si Bracken nang nabigong gamutin ni Rizal ang ama nito ngunit siya ay nangakong magbabalik.

Tinupad ni Bracken ang kanyang pangako. Nang tumanggi ang simbahan sa kanilang pagpapakasal, nagpakasal pa rin sila kahit walang presensiya ng pari.

Naging maayos ang kanilang relasyon hanggang sa nalaman ni Rizal ang pagtataksil ni Bracken na naging dahilan ng kanilang away. Ito nagresulta sa pagkakalaglag ni Franciso, ang kanila sanang anak, sa sinapupunan ni Bracken.

Nagwakas ang pelikula sa pamamaalam ni Rizal sa mga tao dahil sa pagpunta niya ng Cuba kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

IV. Pagsusuring Pampelikula

1. ISKRIP

Maganda ang tekstong nakapaloob sa iskrip ng pelikula. Ang mga matatalinhaga at magagandang salita ni Rizal na kakikitaan ng talino ay nakapagbigay kulay sa pelikula. Isama mo pa ang mga mapanlinlang na pahayag ng mga prayle na pawang katotohanan.

Bagaman malaking porsiyento ng iskrip ay nasa Wikang Filipino, mayroon din naming mga piling linya na nakasulat sa Kastila. Maganda sana ang epekto nito dahil nakadagdag ito sa kagandahan ng pelikula ngunit ito rin ay nagbigay ng kalabuan dahil wala itong “subtitle”. Isa pang pagkakamali sa iskrip ay ang salitang “mga relihiyon” na tumutukoy lamang sa isang relihiyon, ang Katolisismo, at dapat na nasulat lamang sa salitang “relihiyon”

2. SINEMATOGRAPIYA

Hindi masyadong naging epektibo ang sinematograpiya sa pelikula. Madalas na nakapokus ang kamera sa iisang tao lamang. Napakabilis rin ng pagpapalit ng eksena, wala pang dalawang minuto ay nagpapalit kaagad.

Ngunit mayroon din naming mga piling eksena na kakikitaan ng ganda. Isa na rito ay ang transisyon ng eksena noong nanghuhuli si Rizal ng paru – paro nang biglang ilagay ang pokus ng kamera sa mukha ni Bracken.

3. DIREKSYON

Naging maayos ang direksyon ng pelikula. Ang istilong ginamit ng direktor, bagamat simple, ay bago at napapanahon. Nagbigay ningning sa pelikula ang pagpapalabas muna ng katapusan bago ang simula ng istorya.

Ngunit naging magulo ang umpisa ng pelikula. Ang parteng ililipat si Rizal sa Dapitan ay hindi masyadong naipahatid ng buong kahusayan dahil sa mabilis na pagpapalit ng pokus.

4. PAGGANAP NG ARTISTA

Maganda at pinong-pino ang pag-arte ng mga artista sa palabas. Natural ang bawat kilos nila na para bang totoong pangyayari ang iyong napapanood. Maayos na inihatid ang mensahe dahil sa kagalingan ng mga nagsiganap. Napakahusay ng eksena kung saan sinusuyo ni Rizal si Bracken dahil ito ay makatotohanan at binigyan ng magandang na pagkilos. Gusto ko rin ang parte ng pag-aaway ng mga tauhan.

Mayroon nga lang ibang mga parte na medyo sumablay. Isa na rito ang ay paraan ng pangangabayo ni Rizal. Halatang hindi siya marunong mangabayo dahil iisang kamay lang ang kanyang inihahawak at parang nag-aalinlanagn siya kung mahuhulog siya. Hindi rin nagging maganda ang epekto ng pagsasalita ni Maria dahil ito’y napakabilis kaya mahirap intindihin.

5. PRODUKSYON

Mapapahanga ang sino mang makakapanood ng pelikula sa poduksyon nito. Angkop ang mga kasuotan, lugar, at gamit at iba pa sa ipinapalabas na mensahe. Lahat ng kasuotan at kagamitan ay pawing antigo na nakatulong ng malaki sa pagsasalarawan ng tunay na pangyayari ng panahong naganap iyon. Ang lugar ay maganda at pinili talaga. Maganda rin ang bangkang ginamit sa pag-alis ni Rizal.

May mga maliliit nga lang na bagay ang naging kapos. Tulad na lamang noong unang eksena. Kahit na gabi ang eksena, masyadong madilim kaya halos wala nang makita na nakapagpasayang sa kostyum ng mga tauhan.

6. MUSIKA

Nakatulong din ang musika sa pagpapaganda ng pelikula. Ang mga ito ay nakakaantig at pumasok sa mga eksenang kanilang tunay na kinababagayan. Nagbigay buhay ang musika sa unang bahagi ng pelikula ito. Walang masasabing mali rito.

7. MENSAHE

Ang mensaheng nakapaloob sa pelikula ay ubod ng ganda lalo na at ito’y naihatid ng maayos sa pamamagitan ng iba pang elemento ng pelikula. Bawat eksena ay kapupulutan ng aral.

Malinaw na ipinapahiwatig ng pelikula na dapat mong ipaglaban kung ano ang sa tingin mo ay tama. Huwag kang magkukulang ng pagtitiwala sa sarili mong kakayahan at sa Diyos. Tanggalin ang takot at harapin ang anumang hahadlang sa’yo ng buong tapang. Gawin mong lahat para sa bayan mong tinubuan.