Nakilala ko “Siya” nang hindi dahil sa aksidente. Marahil tadhana na nga rin ang gumawa ng malaking hakbang para kaming dalwa ay magkakilala ng lubusan. O kaya naman ay dahil na rin sa kagustuhan kong matuto sa mga aral “Niya” kaya ko “Siya” pilit na kinilala. “Siya” ay naging aking guro ng matagl-tagal na ring panahon. Lahat ay inaanyayahang making ng leksyon niya.
Hanggang sa pagkakaalala ko, isa “Siyang” taong matuwid at moral. Lahat ng salitang lumalabas sa “Kanyang” bibig ay kapupulutan mo ng aral at ganap na kaalaman. Isa “Siyang” mabuting modelo, lalung-lalo na ng mga napapariwarang kabataan, dahil “Siya”, para sa akin, ay malapit na sa pagkaperpekto. Tungkol naman sa “Kanyang” panlabas na kaanyuan…sa totoo lang, mahihirapan akong sagutin ito. Totoo ngang marami akong larawan niya. Totoo ngang permanenteng nakatatak sa aking isipan ang imahe ng “Kanyang” mukha. Ngunit hindi ko pa talaga “Siya” nakikita sa personal.
Libre ang matrikula sa paaralan “Niya”. Siguro ay parte na rin ito ng “Kanyang” kawanggawa para sa lahat ng mamamayan. Walang karampatang edad na kinakailangan para makapasok ka sa “Kanyang” klase. Matanda man o bata – basta nasa sariling kagustuhan ang matuto – ay tatanggapin “Niya”. Hindi rin “Siya” tumitingin sa estado ng buhay. Mayaman ka man o mahirap, naka-amerikana o nakasandong luma, bukal sa loob ka niyang tuturuan. Sa katunayan nga, pulos mahihirap ang mga kaklase ko dahil bihira sa mga mayayaman ang handang mapagkumbaba para makapasok sa eskwelahang ito. Oo nga pala, bago ko makalimutan, ang paaralan “Niya” ay maliit lamang. Minsan ito’y madumi, puno ng pagsisisi at kalungkutan. Minsan naman ito’y malinis at pinapalamutian ng kaligayahan. Ngunit pagkatapos ng leksyon, ang lugar na ito – madumi man o malinis – ay kusang nagkakaroon ng kapayapaan at ganap na kalinisan. Ang paaralan “Niya” ay naroon sa puso ng lahat ng mga tao.
Kilala mo na ba “Siya”? Oo, “Siya” nga. Siya ay walang iba kundi si Hesus na sadyang itinuro sa atin ang tunay na kahulugan ng salitang “pagmamahal” sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng sarili niyang buhay sa krus para lang matubos tayo sa ating sariling kasalanan. Oo, Siya ay si Hesus na nagbigay kaalaman sa atin tungkol sa paggawa ng mabuting asal sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang iniwang halimbawa. Oo, Siya ay si Hesus na naghihintay na buksan mo ang iyong sariling puso upang magkaroon kayo ng isang mabuting ugnayan at para maipakita sa iyo na hindi pa huli ang lahat para magbago. Oo, Siya ay si Hesus na nananahan sa ating mga puso. Siya nga si Hesus, ang ating Tagapagligtas. Siya nga si Hesus, ang pinakadakila at pinakatitipo nating guro.
Ganyan nga ang tipo kong guro – mabuti, mapag-aruga, mapagmahal, tapat, at matatag. Alam kong imposibleng makahanap ng eksaktong kapareho Niyang guro. Ngunit itinuro Niya rin sa akin ang isang aral na aking lagging tatandaan: na walang perpektong nilalang sa mundo. Kaya naman ang tipo kong guro ay isang tao na alam kong sumusunod s autos Niya, namumuhay sa halimbawa Niya, at binubuksan ang puso niya para maging isang mapagkumbabang estudyante Niya.