“Lahat ng sobra ay nakasasama.”
Hindi kailanman maituturing kasamaan ang bahagyang pagpunan ng kaalaman at impormasyon sa pagkauhaw ng isipan ng isang ordinaryong tao. Sa katunayan nga, ito’y mas lalo pang nagbibigay ng kulay at ningning sa isang payak na pamumuhay. Ngunit, katulad ng iba pang mga bagay, ito’y hindi laging makabubuti. Mayroon ding mga pagkakataon na ito’y maaaring magdulot at pagmulan ng kasamaan at kasawian.
Naalala ko ang masalimuot na istorya ng ating ninuno, sina Adan at Eba. Ang kwentong ito ay permanenteng nakatatak sa aking mumunting isipan at marahil, alam ring ganap nang sinumang nakahawak na nang Biblia. Ito ay kwento tungkol sa dalawang unang nilalang na nilikha ng Diyos. Sumuway sila sa utos mng Panginoon at dahil na nga rin sa pagkain nila ng ipinagbabawal na prutas ay nakamit nila ang karunungan na nakapagpahamak sa kanila.
Mayroon din akong alam na isang magandang buhay na sadyang napariwara dahil sa sobrang karunungan. Sa mga mata ng nakararami, tunay ngang nagtagumpay na sa kanyang buhay si Cris (hindi niya tunay na pangalan) matapos siyang abutan ng diploma sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Isa na nga siyang inhinyero ng mga kemikal (Chemical Engineer). Ngunit nang dahil sa sobrang kaalaman, dinala siya ng kanyang mga paa sa kapahamakan. Nakagawa siya ng ipinagbabawal na gamot at siya’y nabilanggo.
Ang kaalaman ng isang tao ay maaaring ihalintulad sa isang simpleng pugad ng ibon na nakabase sa pinakataas ng isang matayog at matipunong puno. Ang gutom na inakay ay pinapakain ng kanyang inang lawin nang sa gayon ay lumaking may tikas at naaayon sa kanya. Sa pagdaan ng mga araw, hindi maaaring magkulang ni sumobra siya ng pakain dahil may posibilidad na malagay sa peligro ang buhay ng batang ibon. Maaari siyang mamatay sa gutom o maimpatso sa sobrang pagkain.
Tayo ang sumisimbulo sa inakay na patuloy na nagugutom at nauuhaw sa kaalaman at karunungan. Katulad nila, hindi rin makabubuti sa atin ang malunod sa pagkain, ang sumisimbulo sa kaalaman, dahil ito’y makapagdudulot sa atin ng kasamaan at maaaring magdala sa atin sa kapahamakan.
Nagiging masama ang kaalaman kung ito’y gagamitin sa kasamaan, kung ito’y hindi pagyayamanin, o kung ito’y iyo lamang babalewalain. Binigyan ka ng Diyos ng kaalamang naiiba sa kahit sinuman. Ang tangi mong obligasyon ay gamitin ito sa kabutihan.
Sa paglipas ng panahon, nawa ang kaalaman ay magsisilbi nang kabutihan at hindi na kasamaan.
