Yearly Archives: 2007

Pagpapakilala: Ang Talambuhay ng IV- Sta. Maria Magdalena 2007-2008

IV - St. Mary Magdalene (Batch 2007 - 2008)

Ilang araw na lang ang natitira at aabutan na kami ng kapirasong papel sa paaralang nagsilbing pangalawa naming tahanan. Nakalulungkot isipin na magkakahiwalay na kami upang tahakin ang iba’t-ibang landas na inihanda sa amin ng Panginoon. Ngunit bago maganap ang araw na iyon, nais kong ipakilala sa inyo ang aking mga kaklase na talaga namang nagbigay at patuloy na nagbibigay buhay sa paaralang ito.

“Tubig!!!” iyan ang palaging sambit ni Francis Amoren. Tinagurian din siyang taong walang emosyon dahil bihira siyang tumawa kahit sa mga mabentang biro. Pero mabait siya, ako na nagsasabi niyan. Si Anthony Borja naman ang “chessmaster” ng grupo. Lagi mo siyang makikitang nakangiti, para bang walang problema. Si Joshua Berango ang huling estudyanteng kumompleto sa listahan ng mga taga-Sta. Maria Magdalena. Loyalty Awardee rin ‘to para sa taong ito. Mabait siya at isa sa mga pinakamasipag sa klase. Kung tangkad lang din naman ang pag-uusapan, siguradong pambato ng Sta. Maria Magdalena si Patrick Casem. Magaling siyang magsalita. Mayroon pa ngang ‘slang effect’ kung baga. Ang Lakandula naman ng klase ay si Arvin Catapang. Isa siya sa mga pinakatahimik sa klase pero malakas din naming mag-trip. Si JB Fermin naman ang madalas magsabi ng “Amp!” sa klase. Madalas siyang mag-computer dahil hilig niya iyon. Kung O2 Jam naman ang labanan, sure win na ng grupo si Matthew Guisihan. Madali siyang pakisamahan at madalas pala-biro ngunit seryoso naman kapag kinakailangan. Panalo rin ang boses ni Ronel Gustilo sa larangan ng pagkanta. Madali siyang mapikon ngunit mabuti namang kaibigan. Pinakamalaking sponsor ng classfund namin si Christian Legaspi. Halos araw-araw ba naman kasing nahuhuling walang I.D.. Simple lang siya at walang arte sa katawan. Maipagmamalaki rin ng Sta. Maria Magdalena ang talento ni Lonelle Lim sa Volley Ball. Maka-Diyos din siyang tao dahil sakristan siya ng kanilang parokya. Si Merson Marasigan naman ang pinakamaloko sa klase. Ang lakas niyang magtrip ngunit seryoso naman ‘raw’ kung magmahal. Madalas namang maalala ang pangalan ni Ralph Morales kapag nagtsetsek ng attendance. Lagi kasi siyang absent pero napakamatulungin naman sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Si Rob Nuguid naman ay ang ingat-yaman ng klase. Napakabait, napakasipag, at napakadaling pakisamahan ng taong ito. Tama na, lokohan na ‘to. Isa rin sa mga tala ng masisipag ay si Chrys Penus. Monitor siya ng klase at ginagawa naman ng maayos ang tungkuling iniatang sa kanya. Binansagan naming walang permanenteng upuan si Paolo Trinidad. Paano ba naman kasi, araw-araw na lang atang lumilipat ng upuan. Ngunit matulungin din siya at pala-ngiti.

Ang sekretarya naman ng Sta. Maria Magdalena ay si Jozene Abad. Panalo rin ang boses niya sa Sabayang Pagbigkas. Si Laurice Abawag naman ang taga-guhit ng klase. Kahit anong larawan pa ang ipaguhit mo sa kanya ay kayang-kaya niya sa tulong ng 8B pencil niya. May talent rin sa pagdidisenyo si Trixie Alberto. Umaapaw sa dami ang kanyang ideya ukol sa isang bagay. Kilabot naman ng table tennis si Mafel Alicdan. Siya rin ang “Boses ng MaryMag” dahil siya ang nagsisilbing tagapagsalita ng mga natatakot niyang kaklase. Si Lhorden Alvarez naman ang taong may plano na sa kinabukasan. Buo na kasi ang loob niyang mag-Nursing, ‘di tulad ng iba na pabago-bago ang pasya. ‘Ate’ ng klase ang labimpitong gulang na si Lovely Bagayawa. Maliit lang siya pero go na go siya kahit saan mo siya ipasok. Ipinagmamalaki rin naming si Kariz Cajigas na henyo sa Badminton. Matalino rin siya at mabait. Si Hazel Cate naman ang taong laging napapagtripan sa klase. Mahiyain siya ngunit masipag naman. Ganda naman ang puhunan ni Rachelle Co sa araw-araw. Kakaiba ang boses niyang hindi ko maipaliwanag. Si IC Colina naman ang isa sa mga pinakatahimik sa klase. Bihira siyang mag-recite at madalas kasama ang kanyang mga matatalik na kaibigan. “Checkmate” ang hatol ng laban kapag nakaharap mo ang kampeon ng klase na si Jeanalyn Cuadra. Bukod sa talento sa chess, isa rin siyang masipag na SK Chairman. Pinakamaliit naman sa Sta. Maria Magdalena si Joyce De Guia. Marami siyang natatagong talento. Isa na rito ang kagalingan niya sa paggigitara. Si Erika Frani ay isa naman sa maingay sa klase pero mahusay namang mag-ulat. Si Meanne Fria naman ang ‘Certified Harry Potter Addict’. Galit na galit siya sa mga taong gumagaya kay Harry Potter. Pagguhit rin ang papel ni Alyssa Gandia. Tahimik siya at hindi meaaling mapikon sa mga biro sa kanya. ‘Homie’ kung tawagin si Frances Homeres ng aming mga kaklase. Mahinhin siya at bihira mong makikitang dumadaldal. Si Joyce Jimenez ay isa rin sa mga maiingay ng klase. Kahanga-hanga ang talento niya sa Volleyball. Isa rin sa marurunong sa grupo ay si Zandra Lachica na bagamat kakalipat lang noong ikatatlong taon sa paaralang ito ay nagkaroon kaagad ng maraming kaibigan. Si Ronna Latupan ay isa rin naman sa mga masisipag sa klase. Hindi niya gawain ang pagliban ng klase. Madalas hawakan ni Jallyne Mariano ang lapis na ginagamit niya sa paglikha ng mga magagandang obra maestra. Isa rin siya sa mga lagging pinagtritripan sa klase. Buti na lang at di siya pikon. Si Jennifer Martin naman ay isa sa mga magagandang dilag na ipinagmamalaki ng aming klase. Madalas siyang lumiban ngunit sobrang dali namang pakisamahan. Hindi rin malilimutan ang pangalan ni Khaycee Nocon na isa sa mga pampasaya ng klase. Lagi siyang may kasama, himala kung wala. Ang taong palaging busy sa seksyon naming ay si Camille Olaes. Simple lang siya at tahimik madalas. Ang negosyante ng Sta. Maria Magdalena ay si Frances Ricafrente naman. Nagbebenta siya ng tsokolate araw-araw. Kapansin-pansin din ang kanyang payat na pangangatawan. Tinaguriang “Beauty and Brains” ang kaklase naming si Marie Kay Samson. Mabiro rin siya at may talento rin sa pagkanta. Kapansin-pansin naman ang hubog-kandilang mga daliri ni Bernariza Santos. Masipag siya at pala-kaibigan. Ang lakambini naman ng klase ay si Denize Singian na mabait at madaling pakisamahan. Isports niya ang larong dart kung saan lagi niyang natatamaan ang Bull’s Eye. Ang presidente naman ng klase ay si Anne Vales na isang responsableng mag-aaral. Bukambibig niya ang “MaryMag! Keep Quiet!”. Si Judith Veran naman ang taong madaling hingan ng pabor. Palakaibigan din siya ngunit medyo madaldal.

Iyan ang mga mag-aaral na bumubuo sa IV – Sta Maria Magdalena 2007-2008. Wala sa aming perpekto ngunit masasabi naming naging perpekto ang highschool life namin dahil sa isa’t isa, sa tulong ng aming butihing tagapayong si G. Edgar Camungol. Nawa’y lubos na naibahagi ng artikulong ito ang kaalaman at impormasyong dapat ninyong malaman tungkol sa ordinaryong klase na minsang inaruga ng Paaralan ng Sta. Maria Magdalena sa loob ng ilang taon.

Ang Matamis na Kahapon at ang Mapaghamong Hinaharap

Dumaan na para lamang isang matagal na panaginip ang buhay ko sa loob ng Paaralan ng Sta. Maria Magdalena. Nagulat na lamang ako nang sa minsang pagharap ko sa salamin ay bumulaga sa akin ang mukha ng isang binata. Hindi ko namalayan na ako ay nasa ika-apat at huling taon na sa mataas na paaralan. Marahil mabilis lang talaga ang takbo ng oras. O kaya naman masyado lang akong abala kaya hindi ko namalayan ang unti-unting paglipas nito. Hindi…Marahil ang tunay na rason ay hindi pa talaga ako handang lisanin ang lugar na ito.

Bumabalik sa akin ang ala-ala, sampung taon nang nakakaraan. Hawak ang kamay ng aking ina, nakita ko ang aking mga paang nakaytayo sa harap ng isang gusali. Wala akong kamalay-malay noon na dito pala ako titigil ng sampung taon para mapunan ng kaalaman at impormasyon ang aking murang isipan. Ni hindi rin naligaw sa aking imahinasyon na dito ko makikilala ang ilan sa mga importanteng taong kumumpleto sa libro ng buhay eskuwelahan ko.

Naalala ko ang unang medalyang natanggap ko noong ako ay nasa ika-unang baiting, isang tansong medalyang nakatago pa rin hanggang ngayon. Hindi ko rin maaaring makalimutan ang “First Communion” ko noong ako ay nasa ikatlong baiting. Nakatatak pa rin sa aking isip ang unang beses kong pagkakahala bilang class officer. Ito ay noong ako ay nasa ika-apat na baiting kung saan ako ang napiling maging bise-presidente n gaming klase. Isa rin sa pinakamaligayang araw ko ay noong inabutan ako ng diploma na tanda ng pagtatapos ko sa elementary. Hindi ko rin maiwawaglit kahit sandal ang sarap noong kami ay nagkamit ng Unang Parangal sa Karakol Competiton sa sayaw at kostyum. Ito ay noong ako ay nasa ikaunang taon sa hayskul. At siyempre, ang pagdiriwang ng JS Prom noong ako’y nasa ikatlong taon. At ngayong ika-apt na taon, pakiramdam ko’y biniyayaan ako ng Diyos dahil sa pagkakapanalo ko bilang CM Vice Chairman at pagiging Editor-in-Chief.

Sa panahong inilagi ko sa eskuwelahang ito, masasabi kong ako aynaging isang mabuting mag-aaral. Sumusunod akosa mg autos ng aking mga guro. Nagpapakita ng respeto at galang sa mga taong mas matanda at kahit sa mga nakakabata sa akin. Ngunit sabi nga nila: hindi kumpleto ang hayskul life kung wala ka man lang nagawang kalokohan. Siyempre kahit papano, natuto rin akong mangopya, tulad ng iba.

At ngayong ang araw ng pagharap sa katotohanan ay paparating na, wala akong ibang magawa kundi magbaliktanaw sa mga mabubuti at masasamang alaalang ibinahagi sa akin ng eskuwelahang ito. Nakakalungkot isipin na pagkatapos akong abutan ng kapirasong papel sa entablado, ibang landas na ang aking tatahakin, malayong-malayo sa kung ano ang tinahak ko noon, at malayo sa tinatahak ko ngayon. Masarap balikan ang nakaraan – ang tawanan, iyakan, at asaran. Sa inilagi ko sa apt na haligi ng paaralang ito, naramdaman ko na siguro lahat ng emosyon. Masaya ako dahil nagging bahagi ako ng paaralang ito.

Ang mga bagay na ito ang bumabagabag sa aking isipan. Nagulumihanan ako. Dalawang beses na palang inulit ang pangalan ko sa mikropono. Tumayo ako…Kinuha ang kapirasong papel ng paghihirap ko. Sa wakas…kolehiyo na ako.

Maligayang Pasko: Maligaya nga ba?

Natural lang sa ating mga Pilipino ang paggunita sa Araw ng Kapaskuhan. Ang araw na ito ay pinaghahandaang maigi ng bawat pamilya. Ito kasi ang araw kung saan pinaniniwalaang isinilang sa mundo si Hesus. Iba-iba ang paraan ng paggunita rito ng mga mamamayan. Ang iba ay nagsasabit ng mga parol sa labas ng bahay at naggagayak naman ng Christmas Tree sa loob ng bahay. Mayroon din namang nagluluto ng masasarap na pagkain at nag-iimbita ng mga malalayong kamag-anak. Samantalang ang ibang pamilya naman ay sama-samang nakikipagsiksikan sa loob ng simbahan para magsimba nang sama-sama. Ang ipinapahayag kong pangyayari ay noon pang nakaraan. Ang tanong…Ganito pa rin bang magdiwang ng Pasko ang mga Pilipino sa kasalukuyan? O binigyan natin ito ng ibang imahe?

Unang araw pa lang sa buwan ng Disyambre, maririnig mo na sa labas ng iyong bahay ang nagagandahang mga boses ng mga batang nangangaroling. Aawitan ka nila at pagkatapos ay manghihingi ng kaunting aginaldo. Ngunit imbes na bigyan sila ng aginaldo ay sigaw at masasakit na salita pa ang natatanggap nila mula sa mga bahay.

Palasak din tuwing Pasko ang siyam na araw na pagsisimba sa medaling araw. Ito ay tinatawag na Simbang Gabi. Ito ay nagsisilbing sakripisyo at paghahanda sa pagdating ng Pasko. Maganda sanang tingnan ang pagdagsa ng napakaraming tao pauntang simbahan lalo na’t karamihan sa nagsisimba ay mga tin-edyer. Ngunit ang pagsisimba ay kanilang hinahaluan ng ligawan at mas malala pa, harutan at landian.

Sa mismong araw naman ng Pasko, karamihan sa mga bata ay namamasko. Normal lang naman iyon . ngunit kapag matanda na ang naghingi ng aginaldo ay ibang usapan na iyan. Pati ba naman kasi mga ina ay nakikisali sa pamamasko ng kanilang mga anak.

Para sa akin, ang Pasko ay isang panahon ng kaligayahan. Isa itong pagkakataon para muling magkasama-sama ang pamilya. Magkakaroon ng bonding, kung baga lalung-lalo na kapag nagging masyadong abala ang buong pamilya sa loob ng taon. Oportunidad din ito upang magkabati at magkaayos ang mga magkakaaway dahil ang Pasko, ika nga, ay Panahon ng Pagmamahalan. Nakakalungkot lang isipin ang katotohanan na binibigyan natin ang Pasko sa Pilipinas ng isang hindi magandang imahe.

Bilang pangwakas, hinahamon ko ang lahat na magbago at ibalik ang dating pagdiriwang ng Pasko na minana pa natin sa ating mga ninuno. Sa katunayan, ang Pasko ay isa ring Panahon ng Pagbabago, katulad ng Bagong Taon.

Ang Tipo Kong Guro

Nakilala ko “Siya” nang hindi dahil sa aksidente. Marahil tadhana na nga rin ang gumawa ng malaking hakbang para kaming dalwa ay magkakilala ng lubusan. O kaya naman ay dahil na rin sa kagustuhan kong matuto sa mga aral “Niya” kaya ko “Siya” pilit na kinilala. “Siya” ay naging aking guro ng matagl-tagal na ring panahon. Lahat ay inaanyayahang making ng leksyon niya.

Hanggang sa pagkakaalala ko, isa “Siyang” taong matuwid at moral. Lahat ng salitang lumalabas sa “Kanyang” bibig ay kapupulutan mo ng aral at ganap na kaalaman. Isa “Siyang” mabuting modelo, lalung-lalo na ng mga napapariwarang kabataan, dahil “Siya”, para sa akin, ay malapit na sa pagkaperpekto. Tungkol naman sa “Kanyang” panlabas na kaanyuan…sa totoo lang, mahihirapan akong sagutin ito. Totoo ngang marami akong larawan niya. Totoo ngang permanenteng nakatatak sa aking isipan ang imahe ng “Kanyang” mukha. Ngunit hindi ko pa talaga “Siya” nakikita sa personal.

Libre ang matrikula sa paaralan “Niya”. Siguro ay parte na rin ito ng “Kanyang” kawanggawa para sa lahat ng mamamayan. Walang karampatang edad na kinakailangan para makapasok ka sa “Kanyang” klase. Matanda man o bata – basta nasa sariling kagustuhan ang matuto – ay tatanggapin “Niya”. Hindi rin “Siya” tumitingin sa estado ng buhay. Mayaman ka man o mahirap, naka-amerikana o nakasandong luma, bukal sa loob ka niyang tuturuan. Sa katunayan nga, pulos mahihirap ang mga kaklase ko dahil bihira sa mga mayayaman ang handang mapagkumbaba para makapasok sa eskwelahang ito. Oo nga pala, bago ko makalimutan, ang paaralan “Niya” ay maliit lamang. Minsan ito’y madumi, puno ng pagsisisi at kalungkutan. Minsan naman ito’y malinis at pinapalamutian ng kaligayahan. Ngunit pagkatapos ng leksyon, ang lugar na ito – madumi man o malinis – ay kusang nagkakaroon ng kapayapaan at ganap na kalinisan. Ang paaralan “Niya” ay naroon sa puso ng lahat ng mga tao.

Kilala mo na ba “Siya”? Oo, “Siya” nga. Siya ay walang iba kundi si Hesus na sadyang itinuro sa atin ang tunay na kahulugan ng salitang “pagmamahal” sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng sarili niyang buhay sa krus para lang matubos tayo sa ating sariling kasalanan. Oo, Siya ay si Hesus na nagbigay kaalaman sa atin tungkol sa paggawa ng mabuting asal sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang iniwang halimbawa. Oo, Siya ay si Hesus na naghihintay na buksan mo ang iyong sariling puso upang magkaroon kayo ng isang mabuting ugnayan at para maipakita sa iyo na hindi pa huli ang lahat para magbago. Oo, Siya ay si Hesus na nananahan sa ating mga puso. Siya nga si Hesus, ang ating Tagapagligtas. Siya nga si Hesus, ang pinakadakila at pinakatitipo nating guro.

Ganyan nga ang tipo kong guro – mabuti, mapag-aruga, mapagmahal, tapat, at matatag. Alam kong imposibleng makahanap ng eksaktong kapareho Niyang guro. Ngunit itinuro Niya rin sa akin ang isang aral na aking lagging tatandaan: na walang perpektong nilalang sa mundo. Kaya naman ang tipo kong guro ay isang tao na alam kong sumusunod s autos Niya, namumuhay sa halimbawa Niya, at binubuksan ang puso niya para maging isang mapagkumbabang estudyante Niya.

Pagsusunog ng Kilay: Sineseryoso mo ba?

“Kung may tiyaga, may nilaga.”

Ang katagang ito ang nagsilbing pangunahing puhunan at inspirasyon ko bilang isang estudyanteng nangangarap makapagtapos ng pag-aaral. Magagarang kotse, naglalakihang bahay, asawa at mga anak…Ilan lang ang mga ito sa aking mga pangarap. Ito ang kusang nagtutulak sa akin ng pasulong para magtiyaga at magpunyagi. Naniniwala ako na para marating ang aking panagarap, may mga pagsasakripisyong dapat gawin, at mga bagay na dapat tapusin. Isa na rito ang aking edukasyon at pag-aaral.

Ano nga ba ang edukasyon? Sa aking sariling pananaw, ito ay ang bagay na magiging pinakahaligi ng aking mga pangarap. Kung wala ako nito, malaki ang posibilidad na mabuwal ang aking mga pangarap at masira ng ganoon na lamang, parang isang batong pader na walang suporta kaya naman bumagsak sa lupa at nagkawatak-watak. Ang edukasyon ay sinasabi rin na tanging bagay na maaaring maipamana ng mga magulang sa kanilang mga anak kaya naman dumagdag pa ito sa mga rason para mag-aral ng mabuti.

Bilang isang estudyante na nasa ika-apt at huling antas sa hayskul, naniniwala ako na kahit papaano ay malayo-layo na rin ang aking narrating at masyado nang huli para magwagayway ng putting bandera at sumuko. Ilang taon na lang at ako ay magtatapos na, makukuha ko na rin ang aking nilaga.

At dahil nga sa mga rasong aking binanggit, pinipilit kong alisin ang katamaran sa aking bokabularyo dahil hindi ito dapat pairalin lalung-lalo na sa mga oras na ito sapagkat ako ay malapit nang magkolehiyo. Totoo ngang sineseryoso ko ang pagsusunog ng kilay na kaharap ang libro, hawak ang pluma, at pindot ang calculator. Ang mga kagamitang ito ang nagsisilbing mga sandata ko sa labang kinakaharap ko araw-araw. Isang tiyak na halimbawa na nagpapatunay sa pagiging seryoso ko sa pag-aaral ay ang patuloy kong paggawa ng mga sanaysay. Kung hindi ako seryoso sa aking pag-aaral, marahil tatamarin akong harapin ang papel at pindutin ang keyboard pagkatapos. Ngunit hindi, heto ka ngayon at binabasa ang bunga ng aking paghihirap.

Gustuhin ko man o hindi, kailangan ko talaga ang ibayong pagseseryoso sa pag-aaral dahil wala akong ibang sisisihin o pupurihin sa ikababagsak o ikakatagumpay ko kundi ang aking sarili. Nasa huli ang pagsisisi, iyan ang laging inilalagay ko sa aking isip. Dahil sa bandang huli, dalawang tao lamang ang tutulong sa iyo: siyempre ang sarili mo at ang Diyos.

Mapang-api o Inaapi: Saan ka mas Malimit Lumugar?

Kung nabasa mo na ang nobelang “El Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal, marahil nakaharap mo ang linyang “Walang mang-aapi kung walang magpapaapi.” Na binanggit ng pangunahing tauhan na si Simoun kay Basilio. Ang pamosong katagang ito ang nagmumulat sa mga taong inaapi na huwag patuloy na magpaapi.

Sa aking sariling opinyon ang tinatawag na pang-aapi ay nagagawa sa iba’t-ibang paraan. Maaari itong gawin nang pisikal tulad ng pananakit sa kapwa mo sa pamamagitan ng pagsuntok o kahit anupamang paraan na makakasakit para sa kanyang pisikal na pangangatawan. Ito rin ay nagagawa sa anyong emosyonal. Isang halimbawa nito ay ang pagdusta sa kanila, pang-aasar, o kahit anong kilos na makakapagpasama ng kanyang loob.

May mga pagkakataon na ang isang tao ay mapang-api dahil hindi ayos ang pakiramdam niya. Siguro bunga ito ng galit na nagtutulak sa kanyang ibuhos ito sa ibang tao. Pwede ring ito ay trip-trip lang dahil walang magawa. Pero kahit ano pa man ang sanhi nito, maaaring maging masama pa rin ang bunga nito. Ang isang tao naman na walang kakayahang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga nang-aapi sa kanya ay ang taong inaapi.

Ako? Siguro doon ako madalas lumugar sa mapang-api dahil handa kong ipaglaban ang isang bagay kung sa alam kong ito ay tama. Sinisigurado ko rin na ang aking pang-aapi ay nasa lugar at kung possible, hindi magbubunga ng sakit kahit kanino man. Hindi ako basta-basta nang-aapi kung hindi ako inaapi. Sa tingin ko, kaya ako nagiging mapang-api ay dahil lamang sa kagustuhan kong maipagtanggol ang aking sarili. Isa rin itong paraan para ipakita na ako ay palaban at hindi kaagad nasuko. Ginagamit ko rin ang pang-aapi para ipahayag ang aking opinion sa lahat.

Ngunit sa kabilang banda, ako rin ay inaapi. Iyon yung mga panahon kung saan bigla ko na lamang mararamdaman ang pagtulo ng luha sa aking mga mata at wala akong magawa para maipagtanggol ang aking sarili. Ito ay mdalas mangyari kapag ako ay pagod na at sawa na sa pagpapaliwanag ng aking punto. Madali rin akong apihin ng mga taong mas matanda sa akin dahil bihira akong lumaban sa kanila dahil kahit papano ay pilit pa rin akong nagpapakita ng respeto sa kanila. Hindi ko maitatatwa ang katotohanan na mahina ang loob ko pagdating sa ganitong mga bagay.

Sa kabuuan, ang pagiging taong inaapi o mapang-api ay hindi masama. Ang buhay ay talagang minsan nasa ibabaw at minsan, kailangan mo ring bumaba. Ang importante ay alam mong tama ang ginagawa mo at nasa lugar ang pinaninindigan mo.

Kailan Nagiging Masama ang Kaalaman

“Lahat ng sobra ay nakasasama.”

Hindi kailanman maituturing kasamaan ang bahagyang pagpunan ng kaalaman at impormasyon sa pagkauhaw ng isipan ng isang ordinaryong tao. Sa katunayan nga, ito’y mas lalo pang nagbibigay ng kulay at ningning sa isang payak na pamumuhay. Ngunit, katulad ng iba pang mga bagay, ito’y hindi laging makabubuti. Mayroon ding mga pagkakataon na ito’y maaaring magdulot at pagmulan ng kasamaan at kasawian.

Naalala ko ang masalimuot na istorya ng ating ninuno, sina Adan at Eba. Ang kwentong ito ay permanenteng nakatatak sa aking mumunting isipan at marahil, alam ring ganap nang sinumang nakahawak na nang Biblia. Ito ay kwento tungkol sa dalawang unang nilalang na nilikha ng Diyos. Sumuway sila sa utos mng Panginoon at dahil na nga rin sa pagkain nila ng ipinagbabawal na prutas ay nakamit nila ang karunungan na nakapagpahamak sa kanila.

Mayroon din akong alam na isang magandang buhay na sadyang napariwara dahil sa sobrang karunungan. Sa mga mata ng nakararami, tunay ngang nagtagumpay na sa kanyang buhay si Cris (hindi niya tunay na pangalan) matapos siyang abutan ng diploma sa Unibersidad ng Pilipinas (U.P.). Isa na nga siyang inhinyero ng mga kemikal (Chemical Engineer). Ngunit nang dahil sa sobrang kaalaman, dinala siya ng kanyang mga paa sa kapahamakan. Nakagawa siya ng ipinagbabawal na gamot at siya’y nabilanggo.

Ang kaalaman ng isang tao ay maaaring ihalintulad sa isang simpleng pugad ng ibon na nakabase sa pinakataas ng isang matayog at matipunong puno. Ang gutom na inakay ay pinapakain ng kanyang inang lawin nang sa gayon ay lumaking may tikas at naaayon sa kanya. Sa pagdaan ng mga araw, hindi maaaring magkulang ni sumobra siya ng pakain dahil may posibilidad na malagay sa peligro ang buhay ng batang ibon. Maaari siyang mamatay sa gutom o maimpatso sa sobrang pagkain.

Tayo ang sumisimbulo sa inakay na patuloy na nagugutom at nauuhaw sa kaalaman at karunungan. Katulad nila, hindi rin makabubuti sa atin ang malunod sa pagkain, ang sumisimbulo sa kaalaman, dahil ito’y makapagdudulot sa atin ng kasamaan at maaaring magdala sa atin sa kapahamakan.

Nagiging masama ang kaalaman kung ito’y gagamitin sa kasamaan, kung ito’y hindi pagyayamanin, o kung ito’y iyo lamang babalewalain. Binigyan ka ng Diyos ng kaalamang naiiba sa kahit sinuman. Ang tangi mong obligasyon ay gamitin ito sa kabutihan.

Sa paglipas ng panahon, nawa ang kaalaman ay magsisilbi nang kabutihan at hindi na kasamaan.